SAYANG at late nang naikuwento ng kaibigan namin na balik-Star Magic na si Jericho Rosales bukod pa sa kinuha ng aktor para mag-co-mage sa kanya ang CEO ng Cornerstone Talent Management na si Erickson Raymundo.
‘Sayang’ dahil nakita namin si Erickson sa gala night ng Separados sa CCP noong Linggo ng gabi sa imbitasyon ni Direk GB Sampedro at ni Omar Sortijas (TV5 executive producer, na nag-line produce ng nasabing 10th Cinemalaya filmfest entry), kaya hindi pa namin naitanong kung bakit siya na ang manager ni Echo.
Sa pangangalaga ng Genesis na si Ms. Angeli Pangilinan-Valenciano si Jericho lumipat si Jericho nang umalis siya sa Star Magic walong taon na ang nakararaan.
Ayon sa source at kaibigan namin na wala yatang ginawa kundi i-stalk ang lahat ng mga nangyayari sa ABS-CBN at Star Magic, nabasa raw niya sa post ng talent development and management agency ng Dos ang, “Welcome Jericho.” Dati kasi ay solo lang ng Genesis ang pangangalaga sa career ng aktor.
Malaking katanungan ito kay Echo dahil sa pagkakaalam namin ay maganda naman ang patakbo ni Ms. Angeli sa career niya.
Tinext namin kahapon ang house publicist ng Genesis na si Chuck Gomez na kaagad namang tumawag.
“Kapatid, honestly, wala po akong alam kung bakit umalis si Echo sa Genesis, siguro mas maganda kung siya (Jericho) ang tanungin ninyo kasi okay naman sila ni Tita Angeli.
“Effective August 1, nasa Star Magic at Cornerstone management na siya, August 2, magdamag kaming magkakasama pa sa concert ni Sir Gary (Valenciano), so okay kami, okay sila nina Tita Angeli at Sir Gary.
“Sabi nga ni Tita Angeli, ‘Echo will always a family to us’ kasi, kapatid, paano namang hindi, ninang at ninong nila sa kasal sina Tita Angeli at Sir Gary, best friend ni Echo si Gab (Valenciano), at hindi biro ang eight years na pinagsamahan nila, alam mo ‘yan,” sabi ni Chuck.
Nabanggit din niya na tinatapos na lang lahat ni Echo ang mga proyektong naisara ng Genesis at marami raw ito katulad ng product endorsements.
“Maraming naibigay ang Genesis na projects sa kanya,” say pa ni Chuck.
Lumamlam ang career ni Echo nang mag-concetrate siya sa pagkanta-kanta dahil hindi siya kinagat dito, at iyon din ang panahon na sobrang in love siya kay Heart Evangelista na kalaunan ay nakahiwalayan din naman niya.
Muling uminit ang career ni Echo nang bumalik siya sa pag-arte hanggang sa nagkasunud-sunod na at ang huli ay ang top-rater na The Legal Wife na nagpataas sa premium niya bilang aktor.
Kaya ang tanong uli namin kay Chuck, ano ang kulang ng Genesis para iwan ni Jericho?
“I don’t know, kapatid, you should ask him. Pero okay talaga kami, okay sila nina Tita Angeli, saka si Kim (Jones-Rosales), Genesis ang nagha-handle ng career, so walang bad blood talaga,” sagot ng publicist ng Genesis.
Samantala, may narinig kaming tsika na tila type ni Echo na subukan ang international concert scene, isang bagay na hindi naibigay ng Genesis sa kanya. Kaya raw siya lumipat ng Cornerstone, para matupad ang pangarap niyang maging full pledge singer dahil ito ang forte ng manager nina Sam Milby, Richard Poon, Markki Stroem, Thor, Liezel, Angeline Quinto, Erik Santos at Yeng Constantino na lahat kaliwa’t kanan ang shows sa iba’t ibang panig ng mundo.
Natatandaan kasi namin na sinabi dati ni Ms. Angeli kay Echo nu’ng lumamlam ang career niya, “Go back to acting, Echo, kasi that’s your strength, iwan mo muna ang singing. ‘Pag okay ka na ulit, then you can go back to singing naman.”
Walang dudang magaling na aktor si Jericho, kaya tama ang maniobra ng Genesis sa kanya, naging sunud-sunod na ang teleserye niya hanggang sa mag-asawa siya at ang pagkantakanta ay naisantabi na.
Sabagay, mahilig talagang kumanta si Echo, maging noon pang bagets days niya ay saan-saang shows namin dinadala sa buong Pilipinas, as far as Lanao del Norte, tama ba, Echo?
Oo nga naman, may napatunayan na si Echo bilang artista, gusto naman niyang may mapatunayan bilang singer.