Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs UE
4 p.m. FEU vs Ateneo
Makamit ang ikalimang panalo at mapatatag ang kapit nila sa solong pamumuno ang target ng National University (NU) habang maghihiwalay naman nang landas upang makapagsolo sa ikalawang puwesto ang Far Eastern University (FEU) at Ateneo de Manila University (ADMU) sa pagpapatuloy ngayon ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Galing sa record win kontra sa Adamson sa nakalipas na laban, masusukat ngayon ang sinasabi ni NU coach Eric Altamirano na “maturity” ng kanyang team sa pagsalang nila laban sa season host University of the East (UE) Red Warriors sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
“Talagang nakita ko ‘yung body language nila even before the game, they were very focused. Hopefully this is the start of our maturity as a team as well as character,” pahayag ni Altamirano matapos ang 62-25 panalo nila sa Falcons.
Sa kabilang dako, magtatangka naman ang Red Warriors, sa pangunguna ng nakaraang taong Mythical Team member na si Roi Sumang, na makabawi mula sa nalasap na dalawang dikit na pagkatalo sa kamay ng De La Salle University (DLSU) at FEU na nagbaba sa kanila sa barahang 2-2 (panalo-talo).
Bukod kay Sumang, inaasahan ni coach Derrick Pumaren para pangunahan ang pagbangon ng kanyang team sina Dan Alberto, Mustafa Arafat, JR Galanza, Charles Mammie at Chris Javier.
Inaasahan namang ipantatapat sa kanila ng NU sina Gelo Solino, Troy Rosario, Alfred Aroga at Glenn Khobuntin.
Samantala, sa tampok na laro, itataya ng Tamaraws ang naitalang tatlong dikit na tagumpay sa pagsalang kontra sa Blue Eagles na makikipagunahan sa kanilang makapagtala ng ikaapat na panalo para makamit ang pagsosolo sa ikalawang puwesto kung saan sila nakaluklok sa kasalukuyan kasalo ang University of Santo Tomas (UST) Tigers na may barahang 3-1.