Tiniyak kahapon ng Malacañang na hindi nito hihiliningin sa Korte Suprema na linawin ang depenisyon ng “government savings.”
Ito ay matapos imungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Palasyo na idulog sa Korte Suprema ang depenisyon ng “savings” mula sa kaban ng bayan imbes na hayaan ang isyu sa Kongreso dahil mas mahaba at matagal ang proseso rito.
Subalit iginiit ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mas makabubuti kung ang Kongreso ang magbibigay linaw sa depenisyon ng “savings” imbes na ang Korte Suprema.
“Jurisprudence changes so it would be good to have legislative back up when it comes to a certain definition,” ani Valte.
Habang ang Korte Suprema ang magbibigay ng batayan ng “government savings,” sinabi ni Valte na mas nanaisin ng Ehekutibo na magkaroon ng batas na magsisilbing back up sa pagkakaroon ng matibay na batayan sa isyu.
“There is always a change in composition of the Supreme Court and nakikita natin ‘yan in the history of the cases that have been decided by the Supreme Court,” pahayag ni Valte. Partikular na tinukoy ni Valte ang kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na itinuturing na constitutional sa mahabang panahon subalit nitong nakaraang taon ay ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema. - Madel Sabater-Namit