Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kasong kriminal na inihain laban sa pangulo ng Phoenix Petroleum Philippines at customs broker nito kaugnay ng umano’y maanomalyang pag-aangkat nito ng produktong petrolyo na nagkakahalaga ng P5.9 bilyon noong 2010 hanggang 2011.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon M. Bato Jr., ipinag-utos ng CA ang pagbawi sa mga kasong kriminal na inihain sa mga regional trial court ng Batangas City at Davao City laban kay Dennis A. Uy at sa customs broker na si Jorlan C. Cabanes.

Napatunayan ng CA na walang sapat na batayan upang kasuhan sina Uy at Cabanes sa paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines.

Pinawalang-bisa ng CA ang mga resolusyon na ipinalabas ni Justice Secretary Leila de Lima noong Abril 24, 2013 at Agosto 13, 2013, na nakasaad na may probable cause upang kasuhan ng oil smuggling sina Uy at Cabanes sa mga daungan sa Davao at Bauan, Batangas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa CA, hindi nabigyan ng due process sina Uy at Cabanes nang baliktarin ni De Lima ang rekomendasyon ni Justice Undersecretary Francisco Baraan na ibasura ang kasong kriminal laban sa mga akusado.

Iginiit ng CA na binaliktad ni De Lima ang findings ni Baraan bunsod ng bagong nakalap na ebidensiya na iprinisinta ng Bureau of Customs (BoC), ang reklamo sa mga kaso, laban kina Uy at Cabanes na hindi nabigyan ng pagkakataon makapagkomento o sagutin ang mga alegasyon. - Rey G. Panaligan