Kabuuang 152 atleta, ‘di pa kabilang ang kapwa 2-time Olympian na sina SEA Games long jump record holder Marestella Torres at weightlifter Hidilyn Diaz, ang inaasahang bubuo sa pambansang delegasyon na nakatakdang lumahok sa gaganaping 17th Asian Games sa Incheon, Korea sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Gayunman, sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at Team Philippines Chef de Mission Richie Garcia na posible pang mabawasan ang bilang ng delegasyon kung babagsak sa re-evaluation at assessment ang Philippine women’s softball team.

National

‘Naka-red alert!’ PSC, dinoble seguridad ni PBBM matapos ‘assassination threat’ ni VP Sara

“We will know the complete list before the final submission of entry by names in August 15,” sinabi ni Garcia.

Makakasama ng 152 atleta sa pambansang delegasyon na sasabak sa 28 mula sa paglalabanang 36 sports ang 78 coach at opisyales na pakay lampasan ang 3 ginto, 4 pilak at 9 tanso na kinubra ng bansa noong 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.

Matatandaan na nabigo ang Philippine women’s softball team o mas kilala bilang Blu Girls, sinamahan pa ng Fil-Americans, na maabot ang kinakailangang criteria matapos na kumulapso sa 2014 Women’s World Cup IX sa Irvine, California nang magtala lamang ng isang panalo at pitong sunod na pagkatalo.

Hinihintay din ng POC-PSC Asian Games Task Force ang magiging resulta ng qualifying jump ni Torres sa Agosto 10, gayundin ang performance trial ni Diaz sa Agosto 9 upang makumpleto ang listahan ng delegasyon.

Samantala, tuluyang itinalaga ni Garcia ang 6-foot-9 na si Japeth Aguilar, miyembro ng Gilas Pilipinas, upang maging flag bearer sa kada apat na taong torneo.

Binigyan ng halaga ni Garcia ang tagumpay na naabot ng men’s basketball team sa ginanap na 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa bansa sa pagkakatalaga nito kay Aguilar na manlalaro ng crowd favorite na Barangay Ginebra.

Matatandaan na hinablot ng Gilas Pillipinas ang medalyang pilak upang makuwalipika sa gaganaping FIBA World Cup sa Spain sa Agosto 30 hanggang Setyembre 14.