Ipinagdiinan ng transport group na PISTON na hindi raw solusyon sa kasalukuyang isyu sa produktong petrolyo ang “service contracting” at “libreng sakay” ng pamahalaan para sa mga komyuter at biyahero.
Kasunod ito ng mga programang pantransportasyong inilatag ng gobyerno para umano maibsan ang bigat na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at krudo, bunga ng tensyon ng mga bansa sa Middle East.
Sa isang pahayag na ibinahagi ng PISTON noong Martes, Marso 31, pekeng solusyon lamang daw ang mga nabanggit na programa.
“Hindi nilulutas ng service contracting at libreng sakay ang isyu ng mataas na presyo ng langis, na siyang pumapatay ngayon sa kabuhayan ng tsuper,” saad ng PISTON.
Anila, “Sa ulat mismo ng mga tsuper na lumahok sa libreng sakay sa Maynila, kapos na kapos ang subsidiyo sa diesel, at inabono na nila ang subsidiya sa kanilang kita para lang mapunuan ang diesel sa required na minimum tatlong ikot. Maliit, kung hindi man wala nang naiuwi ang mga tsuper na lumahok.”
“Patunay ito na hindi pinag-aralan, hindi lapat, at pekeng solusyon ang service contracting at libreng sakay.”
Pahayag pa ng grupo, tila paraan lamang daw ito ng pamahalaan upang pagtakpan ang ilang oil companies sa bansa.
"Ginagamit lamang ng gobyernong Marcos ang iskemang ito para makaiwas sa pananagutan ang Petron, Shell, at Caltex sa kanilang overpricing, at mapanatili din ang mga atrasadong buwis na pinagkukuhaan ng korapsyon ng rehime. Kung hindi puputulin ang labis-labis na tubo ng kartel na Petron, Shell, at Caltex, lalamunin lamang ang anumang subsidyong ibibigay sa mga tsuper,” anang transport group.
Giit nila, “Kahit pa laanan ng hiwalay na subsidyo ang kita ng tsuper, kaagad dadausdos ang halaga nito dahil sa matinding implasyon dulot ng pagtataas ng presyo ng langis. Kung hindi tatanggalin ang VAT at excise tax sa langis, papataas pa rin ang presyo ng krudo at ng mga bilihin habang lumalala din ang implasyon, lalo't dahil percentage tax ang VAT. Magpapababa ito sa halaga ng anumang subsidyong ibibigay sa mga tsuper.”
“Isang buwan na mula nang nagsimula ang gerang agresyon ng US sa Iran, at ang kaakibat nitong krisis sa langis at ekonomiya. Hanggang ngayon, mas interesado ang gobyernong Marcos sa pagprotekta at pagpaparaya sa tubo ng mga kompanya ng langis, at sa pagpapanatili ng mataas na buwis na gatasan nila ng korapsyon,” dagdag pa nila.
Sa parehong pahayag, idiniin din ng PISTON ang kanilang panawagang 6-point demands.
“Tanggalin ang VAT at excise tax sa produktong petrolyo; i-rollback ang presyo ng krudo sa ₱55.00; ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price control sa petrolyo; ipatupad ang fare hike sa lahat ng moda ng transportasyon, kasabay ng ₱1,200 family living wage; isabansa ang industriya ng langis…sa kagyat, ang gobyerno ang bumili ng krudo at ibenta ito sa mas mababang halaga; at itigil ang gerang agresyon ng US,” anila.
“Tsuper at operator, singilin ang manhid, inutil, at papet na gobyernong Marcos! Usigin ang ganid na kartel ng langis” pagtatapos ng PISTON.
Matatandaang naglaan ang pamahalaan ng suspensyon ng fare hike, pagkakaroon ng libreng sakay, at diskwento sa pamasahe upang anila’y mabawasan ang pasanin ng mga komyuter sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
KAUGNAY NA ULAT: 50% na diskwento sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat ng pasahero, epektibo sa Lunes!-Balita