Inanunsyo ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na exempted na sa truck ban at number coding ang ilang mga sasakyan gaya na lamang ng oil tankers at mga transportasyong nagdadala ng pangunahing produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunga ng nagaganap na tensyon sa pagitan ng mga bansa sa Middle East, partikular na ang Israel at Iran.
Sa joint press briefing na isinagawa nina Torre, kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at San Juan Mayor Francis Zamora nitong Martes, Marso 24, inilahad niya na ang mga naturang direktiba ay paraan ng ahensya upang makatulong sa mga sektor na apektado ng nasabing kaganapan.
“Approved na ‘yong MC resolution… so lahat ng field trucks ay hindi na kasali sa number coding… at pati ang mga basic commodities natin is ganoon din,” saad ni Torre.
Aniya, “Dahil we recognize ‘yon nga ang pangangailangan ng ating mga kababayan na talagang medyo may…it is beyond normal ang situation natin, so medyo ina-alleviate natin through these directives.”
Ibinahagi rin ni Torre na epektibo na ngayong Martes, Marso 24, ang nasabing approved resolution.
Nag-anunsyo rin ang general manager kaugnay naman sa number coding scheme sa darating na Semana Santa.
“Tapos this coming… sa iba pang mga cases natin this coming Holy week—starting Wednesday, bale April 1 ‘yon hanggang sa Monday, 6 a.m. ng pagkatapos ng Holy week natin—ay suspended na rin ang mga number coding natin,” anang general manager.
Sa kaugnay na ulat, matatandaang inanunsyo naman kamakailan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang toll discount para din sa mga sasakyang nagdadala ng pangunahing produkto sa iba’t ibang parte at rehiyon ng bansa.
“Nakipag-usap tayo sa toll operators, inuna natin ‘yong sinasabi nating Class 3, ‘yong mga buses, mga trucks na bumibiyahe na may agri products, essential goods…and we asked them to give a discount,” saad ni Lopez.
MAKI-BALITA: Toll discounts sa trucks, buses na may kargang agri, essential goods, kasado na-Balita