Iginiit ng Malacañang ang posibilidad na mapag-aralan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suhestiyong “Four-day workweek,” na layong bawasan ang enerhiyang nakokonsumo sa bansa araw-araw.
Kaugnay ito sa pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo, bunsod ng lumalalang tensyon sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
“Sa ngayon po ay maaaring pag-aralan po ng Pangulo ang ganiyang suhestiyon lalo na kung magiging malala pa po ang nangyayaring Israel-Iran issue. Sa ngayon po ay hindi pa po ito napag-uusapan,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa ginanap na PCO briefing nitong Miyerkules, Marso 4.
Matatandaang inudyukan ni PBBM ang lahat ng government offices na magtipid sa paggamit ng enerhiya.
“We have given instructions to all government offices to find ways to save energy. This is also my call to the public. Let’s find ways to reduce our use of all sources of energy,” ani PBBM sa isang press briefing noong Martes, Marso 3.
Samantala, isiniwalat ng Pangulo sa parehong press briefing na may sapat na suplay ng langis ang bansa, na aabot pa sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw.
“First of all, let me assure everyone that we have [a] sufficient supply of oil. Mayroon tayong stockpile that are approximately fifty (50) to sixty (60) days in terms of gasoline, in terms of fuel oil, and in terms of kerosene,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: PCO