Nanindigan ang Akbayan Party-list na dapat na raw isabatas ang panukalang House Bill (HB) No. 7911 o ang “EDSA People Power Bill,” na layong gawing “regular national holiday” ang petsang Pebrero 25 taon-taon.
Ito ay matapos pangunahan nina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Party-list Rep. Kaka Bag-ao ang pagsusulong nito, bilang komemorasyon ng mapayapa at matagumpay na EDSA People Power Revolution I noong Pebrero 25, 1986, na tumapos sa higit dalawang dekadang pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa bansa.
MAKI-BALITA: Panukalang gawing 'regular national holiday' ang Pebrero 25, isinusulong ni Rep. Diokno, atbp.-Balita
Sa latest social media post na ibinahagi ng Akbayan nitong Martes, Pebrero 24, sinabi nilang nararapat lamang daw na ipasa na ito sapagkat hindi raw nakasalalay sa kahit sinumang Pangulo ang paggunita sa mahalagang araw na ito.
“Ang EDSA People Power Revolution ay isang makasaysayang tagumpay ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino laban sa diktadura ni Marcos Sr. Hindi ito pag-aari ng iisang pamilya—ito ay tagumpay ng bawat Pilipinong tumindig para sa katotohanan at demokrasya,” saad ng Akbayan.
Giit nila, “Hindi dapat nakasalalay kay Marcos Jr. o sa kahit sinong pangulo ang paggunita sa mahalagang araw na ito. Kaya naman buong-lakas nating sinusuportahan ang pagpasa ng House Bill 10848 (dating HB 7911) o ang EDSA People Power Bill.”
Ayon pa sa kanila, layon nitong wakasan na ang “holiday uncertainty” sa nasabing petsa.
“Layunin ng panukalang ito na isabatas ang Pebrero 25 bilang isang Regular Holiday. Panahon na upang tapusin ang 'holiday uncertainty' at tiyaking hindi na ito basta-basta mabubura sa ating kasaysayan,” anang party-list.
“Dinggin ang boses ng bayan at ng kabataan: Pass the EDSA People Power Bill now! NEVER AGAIN, NEVER FORGET!” pagtatapos nila.
Gugunitain sa Miyerkules, Pebrero 25, 2026, ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power I.
Vincent Gutierrez/BALITA