Patuloy na pinabulaanan ng Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng Cambodia ang ulat na nasa kanilang bansa ang negosyanteng si Atong Ang, sa kabila ng naunang “raw information” na natanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa umano’y kinaroroonan nito.
Sa isang pahayag na inilathala sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Linggo, Pebrero 7, 2026, kinumpirma ng tagapagsalita ng nasabing kagawaran na wala umano sa Cambodia si Ang at wala ring opisyal na rekord ng kanyang pagpasok o paglabas sa kanilang bansa.
“According to an official report from the Immigration General Department of the Ministry of the Interior of Cambodia, there is no record of Charlie Tiu Hay Ang’s entry or exit at any Cambodian border checkpoints,” ayon sa pahayag.
“This clarification is issued to dispel recent media reports suggesting that Charlie Tiu Hay Ang may be hiding in Cambodia, while a team of Philippine police officers had been dispatched to search for him,” dagdag pa nito.
Samantala, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa mensahe sa GMA News Online nitong Sabado na kanilang igagalang ang pahayag ng pamahalaan ng Cambodia kaugnay sa presensya ni Ang.
“We will have to take their word for it. The information that Atong ang was in Cambodia came from Julie Patindongan, the star witness in the missing sabungeros case,” ani Remulla.
Binigyang-diin din niya na magpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang mahanap ang negosyante.
“All elements of the PNP are actively searching for him. Justice will be had for the 100 plus missing sabungeros,” dagdag niya.
Matatandaang naglabas na ng warrant of arrest laban kay Ang at sa iba pang sangkot kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na may kaugnayan sa pagkawala ng mahigit 100 sabungero.
Samantala, humingi na rin ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa inilabas na paglilinaw ng pamahalaan ng Cambodia.