February 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga pamahiin tuwing Chinese New Year

ALAMIN: Mga pamahiin tuwing Chinese New Year
Photo courtesy: Pexels

Xīn nián kuài lè!

Sa pagpasok ng Chinese New Year, mas makukulayan ng iba’t ibang palamuti, food stalls, at dragon dance ang mga kalsada ng ilang lugar sa bansa, partikular ang Binondo, Maynila at Davao City, Chinatown. 

Bukod sa nakamulatang selebrasyon, ang Chinese New Year ay hitik sa mga simbolismo at paniniwala na humubog sa mga tradisyon at kultura sa loob ng ilang siglo. 

Isa sa malaking parte nito ay ang mga pamahiin na ang layon ay magdala ng kasaganaan at swerte, at magtaboy ng kahirapan at kamalasan. 

Human-Interest

KILALANIN: Sino si ‘Valentine’ sa Valentine’s Day?

Kaya narito ang ilan sa mga pamahiin na pinaniniwalaan tuwing kapanahunan ng Chinese New Year: 

1. Pag-iwas na makabasag ng gamit

Para sa maraming Chinese, ang pagbabasag ng mga kagamitan tulad ng baso, plato, at mangkok ay nagdadala ng kamalasan na maaaring magdulot ng pagka-ubos ng pera o pagkasira ng pamilya. 

Kaya kung aksidenteng makabasag ng kagamitan sa araw na ito, inaabiso ng ilan na balutin ng red paper ang mga bubog at sambitin ang mga katagang “Sui sui ping'an” na nangangahulugang “all year round safe and sound.”

2. Pag-iwas sa pagpapahiram at pag-utang ng pera

Ayon sa paniniwalang ito, ang paglalabas ng pera para manghiram at magpahiram sa araw ng Chinese New Year ay kinokonsiderang malas sa darating na panibagong taon. 

Kaya inaabiso rito na tiyakin na bayad na lahat ng utang bago pa man ang araw ng bagong taon, at kung may nangutang pa, iwasang pumunta sa bahay para maningil. 

3. Pag-iwas sa pagsusuot ng mga kulay itim at puti

Base sa kulturang Chinese, ang mga kulay itim at puti ay ginagamit sa pagluluksa, at ang pagsusuot nito sa masayang selebrasyon tulad ng bagong taon ay kinakikitaan ng paparating na kamalasan at kalungkutan sa pamilya. 

Kaya inaabiso rito na magsuot lamang ng makukulay at matitingkad na damit tulad ng pula. 

4. Pag-iwas sa pagreregalo ng mga matatalim na gamit

Nakikitang “taboo” o mahigpit na ipinagbabawal sa kulturang Tsino ang pagreregalo ng matatalim na kagamitan tuwing Chinese New Year tulad ng gunting, kutsilyo, at cutter, dahil sumisimbolo ito sa pagputol ng relasyon, yaman, at swerte. 

5. Pag-iwas sa pagpapaiyak ng mga bata sa pamilya

Isa pa sa mahigpit na ipinagbabawal tuwing Chinese New Year ay ang pag-iyak ng mga bata dahil pinaniniwalaan na ito’y nagdadala ng kamalasan at pagdapo ng sakit sa sinumang miyembro ng pamilya. 

Kaya inaabiso rito, partikular sa mga magulang na iwasang pagalitan ang kanilang mga anak na bata para sa magandang pasok na bagong taon. 

6. Pag-iwas sa pagkain ng lugaw 

Sa kulturang Chinese, ang lugaw o porridge ay kadalasang sumisimbolo sa pagtitipid at payak na pamumuhay, bukod pa rito, ang mga nakikitang kumakain nito sa kanilang kultura ay mga pamilya na may limitadong pinansyal na kakayahan sa buhay. 

Kaya ang pagkain nito sa araw ng Chinese New Year ay pinaniniwalaang magdadala ng kamalasan at kakulangan sa pinansyal na aspeto. 

7. Pagpupuyat para sa mahabang buhay ng magulang

Taliwas sa mga nakagawiang turo na masama ang pagpupuyat, pinaniniwalaan sa pamahiin na ito na ang pagpupuyat ay nagdadala ng mahabang buhay ng mga magulang. 

Kaya para sa ilan na sumusunod sa paniniwalang ito, hinihikayat na magpuyat ang mga bata habang bukas ang mga ilaw sa bahay para pumasok ang swerte at kasaganaan sa bahay at maitaboy ang mga kamalasan na nandito mula sa nagdaang taon.

8. Pag-iwas sa paggising ng ibang tao mula sa pagkakatulog

Sa pamahiin na ito, pinaniniwalaan na ang paggising sa taong natutulog ay nagdudulot para walang-sawang magtrabaho ang taong ginising sa buong taon. 

Kaya inaabiso rito na hayaan na magpahinga ang kaanak o kaibigan na nagpapahinga at bigyan ito ng maraming oras para makabawi ng tulog. 

9. Maging maingat sa pananalita 

Sa pamahiin na ito, pinaniniwalaan na ang pagbabato ng masasama o kaya’y masasakit na pananalita ay bumabalik sa taong nagsabi at posibleng magdala ng kamalasan sa buong taon. 

Kaya inaabiso rito na magsabi lamang ng magagandang salita para sa maganda at masaganang pagpasok ng bagong taon. 

10. Pag-iingay sa pagsalubong sa Bagong Taon 

Katulad ng Bagong Taon sa Pilipinas, ang pag-iingay sa Chinese New Year ay pinaniniwalaang nagtataboy sa masasamang espiritu at pagsalubong sa kasaganaan na dala ng papasok na bagong taon. 

Sean Antonio/BALITA