February 06, 2026

Home OPINYON Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Kailan nga ba dapat magpatawad?

#KaFaithtalks: Kailan nga ba dapat magpatawad?
Photo courtesy: Unsplash

Magpatawad? Siguro next time na lang.

Madalas, nababasa natin ang mga katagang “forgiveness is the final form of love” sa devotional o inspirational quotes sa social media. 

Gayunpaman, para sa marami, imposible ang pagpapatawad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng sama ng loob, hirap sa pag-amin sa sariling kamalian, o kaya’y pride. 

“Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.” – Efeso 4:31-32

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Sobrang busy? Huwag kalimutang magpahinga sa presensya Niya

Isa sa mga tinuturo sa Bibliya ay ang pagpapatawad bilang parte ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. 

Katulad Niya na nagligtas at nagpatawad sa atin mula sa kamatayan dulot ng kasalanan, inuutusan at inaasahan rin tayo ng Panginoon na magpakita ng lubos na pag-unawa at pagpapatawad (Juan 3:16). 

Kung tutuusin, ito pa nga ang pangalawa sa pinakamahalagang kautusan ng Panginoon sa atin, ang mahalin ang kapwa natin katulad ng pagmamahal na mayroon tayo sa sarili natin (Mateo 22:38-39). 

Kaya sinabi ni Hesus na hindi lang pitong beses dapat magpatawad, kung hindi 70 x 7 pa, nang tanungin Siya ni Pedro sa Mateo 18, kung ilang beses dapat magpatawad sa kapwa. 

Ang dami, hindi ba? Kumbaga, parang hindi nauubos ang pagkakataon. 

Ito’y dahil hindi rin nauubos ang grasya ng Panginoon, hindi Siya sumusuko agad, bagkus, paulit-ulit pa Siyang nagpapatawad, nagmamahal, at kumakalinga sa atin. 

Kaya bukod sa utos sa atin na tingnan ang mga bagay-bagay at mga tao, gamit ang perspektibo ng Panginoon (Efeso 5:1-2), ang pagpapatawad at pagmamahal ay para rin sa kapayapaan ng kalooban natin. 

Sa nalalapit na Valentine’s Day, i-let go na rin ang sama ng loob sa taong kaalitan, o kaya’y patawarin na rin ang sarili. 

Dahil ang Valentine’s ay hindi lang para sa dates at mga pakilig, ito rin ay para sa pagpapakita at pagsasabuhay ng mga turo sa pagpapatawad at pagmamahal ng Panginoon sa atin. 

Sean Antonio/BALITA