February 02, 2026

Home BALITA National

'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara

'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara
photo courtesy: PTV News

'MATAGAL NANG HINIHINTAY 'TO NG TAUMBAYAN!'

Matapos ideklarang "unconstitutional" ng Korte Suprema ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, muling nag-endorso at naghain ng impeachment complaint ang Makabayan bloc laban sa bise presidente nitong Lunes, Pebrero 2, 2026 dahil sa umano'y maanomalyang paggamit ng mga pondo. 

Sa isang press conference nitong Lunes, Pebrero 2, 2026, inilatag ni dating ACT teachers party list representative France Castro ang mga dahilan kung bakit nila inihain ang naturang complaint.

"Ngayong araw, ang Makabayan bloc ay nag-submit ng impeachment complaint round 2 laban kay VP Sara Duterte. 'Yong complaint natin ay basically betrayal of public trust. Nakita naman natin noong mga hearing na isinagawa sa 19th Congress 'yong tungkol sa confidential funds involving OVP and DepEd," ani Castro.

National

PBBM, nanindigan sa paggalang sa editorial independence at press freedom

"Ang public official ay dapat may utmost trust ang mga tao. Kaya ang officials ay binibigyan talaga na pagpapahalaga talaga 'yong tiwala ng mamamayan. Nakita natin 'yong disobeying the law on the rule governing the confidential funds. During the hearing of the 19th congress, nakita natin ang maanomalyang paggamit ng confidential funds," dagdag pa niya.

Ayon naman kay dating Gabriela Women's partylist Rep. Arlene Brosas, hindi anila bibigyan ng excuse ang "second highest position in the land" sa usaping korapsyon. 

"Saksi po ang lahat sa hearing ng 19th congress wherein 'yong P125 million na confidential funds ay ginastos in 11 days. Alam natin na gumawa ng gawa-gawang mga pangalan, Mary Grace Piattos... para sa pagrereport ng kung ano-ano," ani Brosas.

Dagdag pa niya, "Hindi po natin bibigyan ng excuse ang second highest position in the land. Kumbaga, kung korap 'yong pinakatuktok, korap din pangalawang nasa tuktok dapat lamang na ma-impeach." 

Giit naman ng ngayo'y Gabriela Women's partlist Rep. Sarah Elago, matagal nang hinihintay ng taumbayan ang naturang impeachment.

"Matagal nang hinihintay 'to ng taumbayan. Nabigyan natin ng daan imbestigahan at magkaroon ng pagdinig sa pamamagitan ng impeachment proceedings 'yong walang habas na pagwawaldas ng pondo ng bayan. Lalong-lalo na sa pag-abuso ng confidential at intelligence funds na nasa P612.5 million," saad ni Elago.

"Hindi biro 'yan sa panahong napakataas ng presyo ng bilihin, naghihirap ang sambayanang Pilipino sa napakabigat ng buwis. Samantalang winawaldas lang pala ng ating matataas na officials," dagdag pa niya.

Sa parte naman ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co na may matibay silang basehan para ma-impeach si Duterte.

"We have a strong basis for this impeachment complaint, nadagdagan pa nga... so ang ating muling hiling sa House Committee on Justice, kung anoman ang kapalaran nito sa House, ay agad na mabagsakan na merong probable cause for impeachment, ma-transmit po ito sa Senate, at magsimula ang trial and that proceeds forthwith," saad ni Co.

Tinawag naman ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na "bulok" ang gobyerno dahil sa kinahaharap na impeachment complaint ng dalawang mataas na opsiyal sa Pilipinas na sina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.  

"Last week sa Presidente tungkol sa flood control corruption, ngayon naman sa Bise President tungkol sa corruption ng confidential funds, ganyan po kabulok ang ating gobyerno na ang dalawang pinakamataas na opisyal ay humaharap sa impeachment complaint, pero tumutugon po tayo sa panawagan ng taumbayan na lahat ng sangkot dapat panagutin," ani Tinio.