Inilatag na ng Korte ang halaga ng danyos na hinihingi ni Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste laban kay Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Batay sa court order na may petsang Enero 28, 2026, binigyang-daan ng korte ang beripikadong reklamo ni Leviste at nagpalabas ng summons laban kay Castro.
Sa kautusan ng korte, nakasaad na: “The court gives due course to the complaint. The Branch Clerk of Court is ordered to issue Summons in accordance with existing rules.”
Nag-ugat ang kaso sa umano’y mapanirang pahayag laban kay Leviste kaugnay ng kaniyang negosyo sa solar power.
Ayon sa dokumento, humihingi ang kongresista ng ₱100 milyon bilang moral damages, ₱10 milyon bilang exemplary damages, ₱1 milyon bilang attorney’s fees, bukod pa sa gastos sa paglilitis.
Nakasaad din sa utos ng korte na ang summons ay isasagawa sa pamamagitan ng Regional Trial Court of Manila dahil ang tanggapan ng akusado ay nasa loob ng Malacañang Compound. Ayon sa order, ang address ng nasasakdal ay nasa “Second Floor of the New Executive Building, Malacañang Compound, Jose P. Laurel Street, San Miguel, Manila.”
Dagdag pa ng korte, “Let a request to serve court processes be sent to the Office of the Clerk of Court, Regional Trial Court of Manila, which has jurisdiction over the address of the Defendant.”
Inatasan din ang counsel ng nagsasakdal na magsumite ng Notice of Appearance alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng korte.
Nilagdaan ang kautusan ni Presiding Judge Janalyn B. Gainza-Tang na inilabas sa chambers ng korte noong Enero 28, 2026.
Matatandaang minsan nang nilinaw ni Leviste na hindi raw niya nais masaktan si Castro sa kasong isinampa niya laban dito.
“Hindi ko naman pong nais na masaktan si Usec. Claire Casto ngunit kailangan ko lang pong depensahan ang aking pangalan. Dahil naka ilang vlog na po siya tungkol sa akin,” ani Leviste.
Saad niya, “At ayon po sa advice ng aking lawyer, maraming salamat po kay Atty. Topacio sa kaniyang guidance, napakarami pong grounds to file a case on Usec. Claire Castro for libel.”
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, sa pagsasampa ng kasong libel: 'Hindi ko nais masaktan si Usec. Claire Castro!