Nagbigay ng komento ang Malacañang na tila maituturing din daw na pag-atake sa administrasyon ang mga naisampang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil makakaapekto raw ito sa bansa.
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Martes, Enero 27, sinabi niyang ginagalang ng Malacañang at ng Pangulo ang mga desisyon ng Kamara.
“Ginagalang po ng Pangulo kung anoman po ang mga activities, ginagawa, at mga desisyon po ng House of [the] Representatives. So, hayaan po natin na ang proseso na umaandar [nang] naaayon sa batas,” pagsisimula niya.
Sumang-ayon din si Castro na maaaring maituring na pag-atake sa administrasyon ang nasabing mga naisampang reklamo laban sa Pangulo dahil maapektuhan nito pati na rin ang ekonomiya sa bansa.
“In a way, yes [pag-atake sa administrasyon]. Dahil sabi po natin ang anomang pagsasampa ng impeachment complaint ay hindi lang ang Pangulo ang maapektuhan kundi pati na rin mismo ang bansa pati na rin ang ekonomiya,” diin niya.
Pagpapatuloy ni Castro, hindi raw mapapahinto ng mga nasabing impeachment complaint si PBBM para gawin nito ang kaniyang trabaho bilang Pangulo.
“Itong pong mga impeachment complaint na naisampa laban sa Pangulo ay hindi po mapapahinto, hindi po mapapatigil ang Pangulo sa kaniyang trabaho para iangat ang buhay ng bawat Pilipino,” saad niya.
“Kung kinakailangan po at sinasabi na dapat na magbigay ng kung anomang dokumento, muli ang Pangulo po ay gumagalang sa proseso,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang inihayag ng ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na matagumpay nang naipasa ng Makabayan bloc ang ikalawang impeachment complaint kay PBBM noong Lunes, Enero 26, 2026.
MAKI-BALITA: ‘Di nakakuha ng definite commitment!’ Makabayan Bloc, naipasa na 2nd impeachment complaint kay PBBM
Sa naging pahayag ni Tinio sa publiko, iginiit niyang patuloy raw nilang babantayan ang naturang complaint na isinumite nila sa House Secretary General matapos daw silang bigong makakuha ng sagot sa pag-usad nito.
Kaugnay nito, matatandaang ding pinakang-una Naghain ng impeachment complaint laban kay PBBM si House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay sa pamamagitan ng abogado niyang si Atty. Andre De Jesus noong Enero 19, 2026.
Ayon naman sa naging paliwanag ni Nisay, sinabi niyang may kaugnayan ang naturang impeachment sa paglipat ng ₱60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury at iba pang mga grounds.
MAKI-BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!
MAKI-BALITA: 'Next week, magfa-file kami!' Makabayan Bloc, magkakasa ng bagong impeachment complaint kay VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita