Pasabog na naman ang rebelasyon ng showbiz insider at talent manager na si Ogie Diaz patungkol sa Kapuso stars at "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" Season 1 na sina Will Ashley at Mika Salamanca, sa latest entertainment vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update."
"Nakarating lang sa aking kaalaman, at gusto na rin nating itanong sa kanila, kasi nga nag-aaway-away yung WillCa saka 'yong DustBia, sino ba ang mas mapalad kina Distin at Will Ashley para sa puso o para sa nag-iisang puso ni Bianca. Nag-aaway-away 'yang mga 'yan," saad ni Ogie.
Ang WillCa ay tawag sa tandem nina Will at Bianca De Vera habang DustBia naman kay Dustin Yu.
Dumating pa nga raw sa puntong kaniya-kaniyang paandar ang fans sa block screening ng pelikula nilang 'Love You So Bad" na isa sa mga opisyal na pelikulang kalahok sa nagdaang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Maya-maya, nabanggit na nga ni Ogie ang tungkol naman sa pinag-usapang pamamasyal nina Will at Mika sa Hong Kong na tinadtad naman ng intriga; na kesyo gustong malaman ng fans kung ano bang real score sa dalawa.
Kaugnay na Balita: Lamyerda sa HK nina Will Ashley at Mika Salamanca, minalisya!
Bagay na nilinaw naman ni Mika sa isang opisyal na pahayag na originally daw, hindi talaga kasama sa nabanggit na trip si Will, at nakisabay o nakisama lang.
Dito ay itsinika na ni Ogie ang nakarating daw sa kaniya.
"Aba, may nakarating lang naman sa akin, at itatanong na rin natin, hindi namin kino-confirm dito, ha, ako mismo bilang si Ogie Diaz hindi ko kino-confirm ito, pero may nakausap lang ako, at biglang sinabi na 'confirmed' 'yong Will Ashley-Mika Salamanca," aniya.
Sa pagpapatuloy, "Na ano? Na may relasyon. Sabi ko, 'Naku, ano kayang damdamin diyan ni Bianca? Kung totoo man. Kung may alam siya o wala siyang alam. 'Eh Mama Ogs, nagkakamabutihan naman na sila ni Dustin,' sabi sa akin... 'yon ang nakarating sa atin."
"So hindi natin alam kung gaano ito katotoo, pero 'yong nag-confirm sa atin, madalas ko nang nakakausap... wala pa siyang sablay. If ever na sasablay siya, dito, first time," anang Ogie.
"So hayan ha, hindi po ako ang nag-confirm, meron lang akong nakausap, na sa akin kinonfirm na si Will Ashley at si Mika Salamanca ay playing sweet music together, kaya 'yan ang dapat nilang linawin," sey pa ni Ogie.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina Will at Mika, o maging ang Sparkle GMA Artist Center patungkol sa isyung ito.