Nagbigay ng update ang "TiktoClock" sa kalagayan ng contestant na si Eula Bautista matapos siyang himatayin habang nagpe-perform noong Martes, Marso 10.
Nagsimula ang programa nitong Miyerkules, Marso 11, sa pagbibigay ng update tungkol sa kalagayan ni Bautista.
Kuwento ni Bautista, habang bumibirit siya ng kaniyang contest piece, bigla na lang siyang nag-black out.
"Kumakanta po ako eh tapos bigla na lang nag-black out," anang Bautista.
"Ang sabi po ng medic, 'yong case po na nangyari sa akin is lack of oxygen and number one cause is 'yong corset na suot-suot ko," paliwanag pa niya.
Tiniyak naman ni Bautista sa mga manonood na maayos naman siya at tuloy pa rin ang laban niya sa kompetisyon.
"Hello po sa mga nanonood po. Mga Kapuso, okay lang po ako. Huwag po kayong mag-alala. Patuloy naman po ang laban natin," aniya.
Samantala, ipinaliwanag naman ng puno ng inampalan na si OPM singer Renz Verano ang desisyon sa naganap na kompetisyon kung saan hindi na nakapag-perform si Bautista.
"Sa rules po ng ating kompetisyon, dahil nakapag-perform naman ang ating challenger na si Princess Palti at hindi nakapag-perform ang kampeon na si Eula Bautista, automatically po si Princess ang idinedeklara naming panalo," paliwanag ni Verano.
Magpapatuloy naman si Eula sa grand finals dahil pitong beses na siyang naging defending champion.
Kaugnay na Balita: Grand finalist ng Tanghalan ng Kampeon, hinimatay sa gitna ng performance!