Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga scammer at mga taong nagpapanggap na fixer ng "Zero Balance Billing" ng pamahalaan.
Sa isang Facebook post, nagbabala si Health Secretary Teodoro Herbosa sa publiko laban sa mga taong ginagamit ang naturang programa ng pamahalaan upang makapangloko ng kapwa.
Pinaalalahanan din naman ni Herbosa ang publiko na maaari silang makipag-ugnayan ng direkta sa Billing Section ng mga DOH Hospital kung nais nilang mag-avail ng Zero Balance Billing.
Giit pa ng DOH, walang fixer ang naturang programa at wala ring text message na ipinapadala ang DOH hinggil sa implementasyon nito.
“Walang fixer ang programa at wala ring text message na pinapadala ang DOH tungkol sa implementasyon ng ZBB,” anang DOH secretary.
Kaugnay nito, nauna na ring tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos ha ipagpapatuloy ng kaniyang administrasyon ang pagtutok sa mga programang pangkalusugan na direktang nakikinabang ang mamamayan, batay na rin sa nabanggit niya sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
'Yong ating programang zero-billing, unang-una, ay nagagampanan ng ating mga ospital, ng ating mga staff, ng ating mga doktor, ng ating mga nurse," anang Pangulo.
MAKI-BALITA: PBBM, sinigurong maipatutupad 'zero-billing' policy sa government hospitals
Ang zero balance billing ay isang polisiyang pangkalusugan sa bansa na gumagarantiya sa libreng paggamot sa mga mamamayan habang ito’y naka-confine sa isa sa ilalim ng basic (ward-type) accommodation sa mga DOH hospital.
Ang mga kwalipikadong mamamayan na pasok sa zero balance billing ay ang mga kinokonsidera ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang Indigents o mahirap na pamilya, mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga sponsored na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Saklaw ng zero balance billing ang mga room at board charge, doctors’, nurses’ and specialists’ fee, mga laboratory test at imaging, paggamit ng mga operating room at hospital equipment at supplies, at mga gamot na mabibili sa ospital.
KAUGNAY NA BALITA: Bayad na bill ninyo? Mga dapat malaman tungkol sa ‘Zero-Balance Billing Policy’