Nakapansin ng pagbaba sa kaso ng rabies ang Department of Health (DOH) nitong 2025 kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Mula Enero hanggang unang linggo ng Agosto, umabot sa 211 ang naitalang kaso ng rabies—mas mababa ng 21% kumpara sa 266 kaso na naitala noong 2024.
Ayon sa datos ng DOH, halos pantay ang kaso mula sa mga alagang hayop at ligaw na hayop. Sa kabuuan, 121 kaso o 57% ang kinasangkutan ng mga hayop na may hindi tiyak na bakuna.
Babala ng ahensya, huwag maging kampante dahil nakamamatay ang rabies at naipapasa ito sa pamamagitan ng kagat, galos, o laway ng mga asong, pusa, at iba pang hayop.
“‘Wag maging kampante dahil nakamamatay ang rabies,” giit ng DOH.
Paalala rin ng kagawaran na siguraduhing bakunado ang mga alaga at maging responsableng pet owners. Hinihikayat din ang publiko na makipag-ugnayan sa mga beterinaryo at lokal na pamahalaan para sa pagbabakuna.
Kung makagat o magasgasan, dapat hugasan agad ang sugat gamit ang sabon at tubig sa loob ng 10 minuto, at magtungo sa pinakamalapit na health center o Animal Bite Treatment Center.
Samantala, ayon sa World Health Organization (WHO), nananatiling malubhang banta ang rabies sa mahigit 150 bansa, partikular na sa Asya at Aprika. Tinatayang 99 % kaso sa tao ay mula sa kagat ng aso.
Dagdag pa ng WHO, palaging nakamamatay ang rabies kapag lumabas na ang sintomas, ngunit ganap itong maiiwasan kung agad makatatanggap ng post-exposure prophylaxis ang pasyente.