Itinaas na sa typhoon category ang severe tropical storm na "Gorio" ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Agosto 12.
As of 5:00 AM, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 745 kilometers east ng Itbayat, Batanes na may taglay na lakas ng hangin na 120 kilometers per hour (kph) at pagbugsong 150 kph.
Gumagalaw pakanluran ang bagyo sa bilis na 25 kph.
Bagama't mas lumakas ang bagyo, wala itong magiging direktang epekto sa bansa sa susunod na tatlong araw. Ngunit, kung ito ay gumalaw pa-timog, posibleng magkaroon ng tropical cyclone wind signal sa Northern Luzon, partikular sa Batanas ngayong Martes o Miyerkules, Agosto 13.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Gorio sa Miyerkules at inaasahan din magla-landfall ito sa baybayin ng Taiwan.
Samantala, maaliwalas na panahon ang asahan sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.