Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inihahanda na nila ang mga kaukulang dokumento upang maipaaresto sa International Crime Police Organization (Interpol) si dating Presidential spokesperson Harry Roque sa Netherlands.
Ipapa-red notice umano ng DOJ sa Interpol si Roque na kasalakuyang may nakabinbing asylum application sa Netherlands.
“We are still preparing the documents needed for an Interpol request for a red notice,” anang pahayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano noong Martes, Mayo 20, 2025.
Matatandaang kamakailan lang nang tuluyang naglabas ng warrant of arrest ang
Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 laban kay Roque at Cassandra Ong dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng mga operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pampanga.
KAUGNAY NA BALITA: Harry Roque, pinaaaresto ng Angeles court dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng POGO
Dagdag pa ng DOJ, “In the end, what we want is to give justice to the victims of the qualified trafficking case. Kasama sa trabaho ng gobyerno ang paghanap sa mga sangkot sa krimen at iharap sa husgado.”
Samantala sa pamamagitan ng Facebook live noong Martes (araw sa Pilipinas), nanindigan si Roque na hindi siya raw siya maaaring arestuhin dahil sa kaniyang asylum application.
“Kahit ano pang kunin n’yong red notice alert diyan, eh manigas kayo! Hindi n’yo ako makukuha habang nakabinbin itong asylum na ‘to dito sa Netherlands,” ani Roque.
BASAHIN: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom