Inihayag ni Manila mayoral candidate Isko Moreno Domagoso ang alalahanin umano ng mga taga-Maynila--na naging "dugyot ulit ang Maynila."
Sinabi ito ni Isko sa kanilang campaign kickoff nitong Biyernes, Marso 28, sa R-10 Road sa Maynila.
"Sa townhall namin, one thing is common: Ang worry nila ngayon eh naging dugyot ulit ang Maynila... Biruin mo, mag-alas-nuebe na ng umaga pero ang basura nasa kalsada pa. Talagang kino-complain 'yon ng mga taga-Maynila," saad niya.
Dahil dito, nangako ang dating alkalde na paglilinis at kapanagatan sa lungsod.
"Second, bukod sa paglilinis ng Maynila, ibabalik natin ang kapanatagan ng pamumuhay sa Maynila. And that's why, as you all know, bakit tayo sa R-10 magsisimula? Itong R-10, sa mga nagdaang linggo, buwan, o taon, ay naging laman ng balita. Dito nakita na parang walang gobyerno sa Maynila kaya muling natatakot ang mga nanay at tatay na baka mapahamak ang kanilang mga anak dahil yung mga tolongges nagbabalikan na sa Maynila," dagdag pa ni Domagoso.
Hinikayat din ni Domagoso ang kaniyang mga taga-suporta na manatiling naka-focus at huwag makipag-away sa mga supporter ng iba pang kandidato.