Inamin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary na hindi raw naging hadlang ang pakikipagtrabaho niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kahit hindi ito ang ibinoto niyang presidente noong 2022 elections.
Sa latest episode ng “KC After Hours” ni broadcast-journalist Karmina Constantino nitong Sabado, Marso 15, sinabi ni Castro na nakikinig daw si Marcos, Jr. at hindi vindictive
“Kung napanood naman nila lahat ng aking naging videos, mayro’n akong mga criticism sa ibang mga polisiya, sa mga nangyaring proyekto. Pero hindi siya naging hindrance,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “It means ‘yong pangulo natin hindi vindictive. So ‘yon ang maganda ro’n kasi kahit hindi ka naging supporter niya before bago siya naging pangulo, hindi siya nagiging daan para hindi ka niya kunin. “
Ayon kay Castro, wala raw sa hinagap niya na itatalaga siya ng pangulo bilang PCO Undersecretary. Ngunit nang tanungin siya nito kung maaari ba siyang tumulong para sa bayan, naisip daw niya kalaunan na baka dapat na siyang pumasok lalo na’t lumalala raw ang pagkalat ng mga pekeng balita.
“Sabi ko, kung makakatulong naman ito sa bayan, tingin ko e dapat na akong pumasok. So, ‘yon lang. ‘Yon lang ‘yong word na nagpapayag sa akin,” lahad ni Castro.
Matatandaang Pebrero 24 nang manumpa si Castro bilang PCO Undersecretary kasama si Jay Ruiz na itinalaga naman bilang Ad Interim Secretary ng PCO.
MAKI-BALITA: Jay Ruiz, nanumpa na bilang PCO chief; nangakong lalabanan ang ‘fake news’