Nakatanggap ng parangal sa 2025 Manila International Film Festival ang “Hello. Love, Again” na pinagbidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa direksyon ni Direk Cathy Garcia-Sampana.
Sa ulat ng GMA Entertainment nitong Sabado, Marso 8, iginawad sa nasabing pelikula ang 2025 Box Office Hit Award.
Tinanggap nina GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes at ABS-CBN Films Head Kriz Gazmen ang parangal sa Los Angeles, California kung saan ginanap ang pagtitipon.
“I'd like to thank the MIFF… This is the first-ever movie collaboration between GMA Network and ABS-CBN. And this just shows that when the Filipinos unite we can achieve anything,” saad ni Gozon sa kaniyang talumpati.
Matatandaang idineklara noong Nobyembre 2024 ang “Hello, Love, Again” bilang kauna-unahang pelikulang Pilipino na naitala sa kasaysayan na kumita ng bilyon sa takilya.
Natalbugan nito ang "Rewind" nina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera noong 2023 na kumita ng ₱930 milyon worldwide.
MAKI-BALITA: 'Hello, Love, Again,' lumikha ng kasaysayan; kauna-unahang Pinoy film na kumita ng ₱1B