Ilang provincial at city bus operators sa Metro Manila ang humihirit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtataas na rin sila ng pamasahe.
Sa kasagsagan ng hearing sa LTFRB office noong Miyerkules, Pebrero 26, 2025, iginiit ng ilang operators na ang kanilang panawagang magtaas ng pamasahe ay upang makabawi umano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, toll fees at terminal fees.
Ipaliwanag din Mega Manila Consortium Corporation Spokesperson Juliet De Jesus ang kanilang gastos kada-buwan kaugnay ng kanilang nakikitang solusyon na itaas ang pamasahe.
"Dati libre 'yan 'pag pupunta kami. Ngayon yung PSI is asking for ₱35 per unit per entry and then ₱6,000 per month. If you are operating 10 (buses), that is ₱60,000 a month, aside from the everyday operation, masakit sa amin yun," ani De Jesus.
Ayon sa ilang bus operators, nasa ₱2 ang kanilang hinihiling na itaas para sa ordinary at air-conditioned bus.
Para sa mga ordinary bus: Mula ₱13 pesos na base fare, hihigitin ito na maging ₱15.
Para sa mga air-conditioned bus: Mula ₱15 na base fare ay magiging ₱17 ito.
Samantala, pinag-aaralan na umano ng LTFRB ang naturang petisyon ng ilang bus operators. Inaasahang ilalabas ng ahensya ang kanilang resolusyon matapos ang 45 araw, kasabay ng kanilang magiging tugon sa nauna nang panawagang fare hike ng ilang jeepney operators.