Usap-usapan ng netizens ang pilot episode ng season 2 ng "Lolong: Bayani ng Bayan" ng GMA Network nitong Lunes, Enero 20, na nakatapat naman ang "FPJ's Batang Quiapo" ng ABS-CBN.
Ito na ang pangatlong beses na magtatapat at magbabakbakan sa time slot ang mga bida nitong sina Ruru Madrid at Coco Martin.
Ang unang tapatan ng dalawa ay noon pang 2022, sa season 1 ng Lolong, kung saan ang kalaban pang palabas ay "FPJ's Ang Probinsyano" na si Coco pa rin ang bida. Sa taong ito naman nagwakas ang tinaguriang longest-running teleserye na umabot ng pitong taon.
Matapos nito ay muling nagtapatan sina Ruru at Coco nang gawin naman ng una ang "Black Rider." Sa pagkakataong ito, "Batang Quiapo" na ang serye ni Coco na inspirasyon pa rin sa pelikula ng yumaong si Da King Fernando Poe, Jr.
At ngayong 2025, sa ikatlong beses na magtatapat sina Ruru at Coco, ay sinabi ng mga netizen na malakas pa rin ang Lolong dahil sa mga nanood nito, lalo na't mainit-init pa ang pagkakapanalo ni Ruru bilang "Best Supporting Actor" sa pelikulang "green Bones," na itinanghal namang "Best Picture" sa nagdaang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ilan sa mga nakatrabaho ni Coco sa Probinsyano at Batang Quiapo ay nasa kalabang serye, gaya na lamang ng dating Hashtags member na si Nikko Natividad, at premyadong aktor na si John Arcilla na nasa ilalim pa rin ng pamamahala ng Star Magic, ang talent arm management ng ABS-CBN.
Saad naman ni Ruru sa panayam sa kaniya ng Philippine Entertainment Portal o PEP, excited na nga raw siya sa muli nilang tapatan ni Coco, na ang layunin lang naman daw nila ay makapagbigay-saya sa mga manonood.
"Masaya at excited ako sa aming pangatlong pagtatapat kasi nabibigyan namin pareho ng kasiyahan ang mga manonood sa pamamagitan ng aming palabas," pahayag ni Ruru.
Kaya ang mga netizen, bukod sa nakaabang sa istorya ng dalawang magkatapat na serye, ay tila naka-monitor din kung kaninong serye ang unang "titiklop" pagdating sa Primetime.
MAKI-BALITA: Ruru excited, masaya sa ikatlong pagtatapat nila ni Coco