January 21, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

3 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tatlong weather systems ang nakaaapekto sa bansa ngayong Martes, Enero 21.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang weather system na shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Northern Samar at Eastern Samar.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang ikalawang weather system na easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

UN, nagsalita sa misimpormasyong kumakalat tungkol sa sexual education sa Pilipinas

Samantala, inaasahang magdadala ang weather system na northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon; at maging ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil pa rin sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).