Proud na proud ang actress-TV host na si Karla Estrada sa anak niyang si Daniel Padilla dahil mapapanood na sa Netflix ang first episodes ng pinakabagong kinabibilangang action series na "Incognito" kasama sina Richard Gutierrez, Baron Geisler, Kaila Estrada, Maris Racal, Anthony Jennings, at Ian Veneracion.
Sa kaniyang Instagram stories, flinex ni Karla ang ilan sa mga post ng netizen patungkol kay Daniel at sa Incognito.
Proud pa si Karla sa ilang mga eksena kung saan makikita ang pagka-action star ng anak, na tila sumusunod sa yapak ng kaniyang mga tito, lalo na kay Sen. Robin Padilla.
"Galing mo anak! Bravo!!!" text caption ni Karla sa isang eksena ni Daniel habang nakikipagbakbakan.
Shinare din ni Karla ang kuhang video kay Daniel ng isang fan habang nasa taping sa Baguio overpass kung saan nakipag-fight scene ang anak.
Ito na ang comeback project ni Daniel matapos ang "2 Good 2 Be True," ang huling teleseryeng nakatambal ang dating reel at real partner na si Kathryn Bernardo, at noong nabubuhay pa ang pumanaw na beteranong aktor na si Ronaldo Valdez.