Pinagkalooban ng gantimpala ang isang mangingisda mula sa isla ng Patnanungan, Quezon matapos niyang ibalik sa mga kinauukulan ang nadiskubre niyang cocaine.
Sa isang Facebook post ni Quezon Province Gov. Helen Tan noong Biyernes, Abril 10, mahigit ₱16 milyon umano ang halaga ng cocaine na nakuha ng naturang mangingisda.
“Ating kinilala ang katapatan at tapang ng isang mangingisda mula sa islang bayan ng Patnanungan na nakadiskubre ng mahigit 16 milyong piso na cocaine,” anang gobernadora.
Ayon sa Facebook post ng Quezon Police Provincial Office noon ding Biyernes, natagpuan umano ng mangingisda ang tatlong tape-sealed na plastic bag na naglalaman ng puting crystalline.
Matapos isailalim sa forensic examination, nakumpirmang ito ay Cocaine Hydrochloride na may kabuuang timbang na 3,154.45 gramo.
Kaya naman bilang gantimpala, ginawaran ang mangingisda ng ₱100,000 sa kaniyang ginawa.
Ani Tan, “Sa pamamagitan ng Sariling Sikap Program, personal nating iginawad ang cash incentive na nagkakahalaga ng ₱100,000 bilang pagkilala sa kanyang kabutihan at integridad.”
Ang nasabing programa ay isang mekanismo ng pamahalaan upang iangat ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga Pilipino sa bansa.
Samantala, ayon naman kay Patnanungan Mayor Claire A. Larita-Natividad, patunay umano ito na sa tulong ng bawat isa ay makakamit ang isang minimithing bayan na maunlad, disiplinado, at mapayapa.
“Sama-sama tayong magtulungan para sa ikabubuti ng lahat,” pahabol ng alkalde.