Kabilang ang pangalan ni Tawag Ng Tanghalan: The School Showdown Grand Champion Carmelle Collado sa mga pinag-uusapan ngayon sa X (dating twitter) matapos niyang masungkit ang kampeonato.
Sa latest episode ng “It’s Showtime” nitong Sabado, Enero 18, itinanghal ni Carmelle ang “A Natural Woman” ni Aretha Franklin sa huling yugto ng kompetisyon.
Tagumpay na nakuha ni Carmelle ang gradong 98 mula sa mga hurado na siyang pinakamataas sa lahat.
Kaya naman hindi nakapagtatakang umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga netizen ang ipinamalas niyang husay sa pagkanta. Narito ang ilan:
"mapapamura ka sa galing ang galing ni carmelle omg"
"It was a sign when Carmelle won sa Resbakan with A Change is Gonna Come by Aretha Franklin. Now sa Huling Tapatan, she brought to the stage that change and all that soul with her Aretha medley. Congrats, Carmelle! Well-deserved! #TNTSchoolAngHulingTapatan"
"NAPAKA HALIMAW TALAGA KUMANTA NI CARMELLE "
"Give it to Carmelle!! Deserve na deserve!! #TNTSchoolAngHulingTapatan"
"Isay is a technical signer and storyteller which is a crucial strength for singers, but carmelle has the charisma and x factor so if u want a buildable superstar my pick would be carmelle #TNTSchoolAngHulingTapatan"
"Tangina!! Ibigay niyo na to kay Carmelle!! Napakahusay lang talaga."
"Sobrang deserving ni Carmelle imagine resbaker pa yan ha literally natalo na sya pero sa 2nd chance na binigay sakanya naging consistent si ante nyo girl hanggang dulo"
"CONGRATS BINI CARMELLE SAYONG SAYO BOTO KO SIMULA NUNG RUMESBAK KA! HALIMAW!!!!"
Pero sa likod ng kaniyang nakamit na tagumpay, sino nga ba si Carmelle?
Si Carmelle, 17-anyos, ay mula sa Sipocot, Camarines Sur at kasalukuyang estudyante sa King Thomas Learning Center, Inc.
Bago pa man makasampa sa TNT, pinanday muna si Carmelle ng maraming karanasan. Isa na rito ang paglahok niya sa The Voice Kids Season 4 noong 2019.
Nakapasok siya sa blind audition at naging bahagi ng Kamp Kawayan ni “Rock Legend” Bamboo Mañalac. Bagama’t hindi naiuwi ang kampeonato, pinalad naman si Carmelle na maging finalist.
Nakapag-uwi rin siya sa parehong taon ng pitong gintong medalya mula sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) na ginanap sa Long Beach, California, sa Estados Unidos dahil sa ipinamalas niyang talento sa pagkanta.
Dahil dito, itinuring umano si Carmelle bilang kauna-unahang Pilipinong nakakuha ng pitong gintong medalya sa kasaysayan ng nasabing paligsahan.
Ang WCOPA ay isa raw sa mga prestihiyosong kompetisyon sa ibang bansa na nilalahukan ng mga performer at entertainer kabilang na ang Kapamilya singer na si Jed Madela.
Ngunit—ayon kay Carmelle—matapos ang lahat ng ito ay naantala raw ang pagdating ng mga proyekto sa kaniya dahil sa paglaganap ng pandemya.
“Noong nag-pandemic, tumigil ang pasok ng trabaho kaya naman pinili ko munang mag-focus sa pag-aaral,” aniya sa isang episode ng “It’s Showtime.”
Dagdag pa ni Carmelle, “Ang ‘Tawag ng Tanghalan’ ang nagbigay sa akin ng second chance para ipagpatuloy ang aking pangarap.”
Gayunpaman, hindi pa rin masasabing naging madali para kay Carmelle kahit nakapasok siya sa TNT dahil sa isang bahagi ng kompetisyon ay naligwak siya.
Buti na lang, nagkaroon siya ng isa pang pagkakataon para muling patunayan ang kaniyang sarili nang sumalang siya sa “Resbakbakan” edition kasama ang dalawang iba pang contenders.
At tila hindi talaga sinayang ni Carmelle ang pagkakataong makabawi dahil napatayo sa kinauupuan ang mga hurado matapos niyang magtanghal.
Sabi pa nga ni “It’s Showtime” host Vice Ganda, ‘That mas iconic!” Na sinang-ayunan naman ng huradong si Ogie Alcasid.
Kaya matapos ang masusing deliberasyon, nakuha ni Carmelle ang pinakamataas na markang 97.5% na nagsilbing daan upang makarating siya sa “Huling Tapatan” ng TNT.
Tila pinatunayan ng kuwentong ito ni Carmelle ang kasabihang ilusyon lang umano ang kabiguan. Ang tanging mayroon lang ay ang proseso patungo sa pinakamahusay na bersyon ng sarili.
MAKI-BALITA: Carmelle Collado, grand champion sa TNT: The School Showdown