Nananatili pa rin sa alert level 3 ang Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes, Disyembre 27.
Matatandaang sumabog ang Kanlaon noong Disyembre 9 kung saan tumagal ng halos apat na minuto ang pagsabog nito.
BASAHIN: Pagsabog Bulkang Kanlaon, tumagal ng halos 4 na minuto
At nito lamang Disyembre 24, bisperas ng Kapaskuhan, muling nagbuga ng maitim na abo ang bulkan.
BASAHIN: Bulkang Kanlaon, muling nagbuga ng abo – Phivolcs
Samantala, sa panibagong update ng Phivolcs nitong Biyernes, nakataas pa rin sa alert level 3 ang bulkan, na ibig sabihin ay mayroon itong mataas na aktibidad o magmatic unrest.
Ayon sa ahensya, tatlong beses na nagbuga ng abo ang bulkan na tumagal halos 12 hanggang 15 minuto.
Nakapagtala rin sila ng 16 volcanic earthquakes kabilang ang anim na volcanic tremors, kung saan bumubuga ito ng 5756 tonelada ng sulfur dioxide, at 100 metrong taas ng plume o pagsingaw.
Patuloy pa rin inaabisuhan ng Phivolcs ang paglikas sa loob ng 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan.