Pauwi na sana ang 13-anyos na babae sa Lingayen, Pangasinan matapos mangaroling ngunit kalunos-lunos ang sinapit nito sa kamay ng dalawang suspek.
Ayon sa kay PLTCol. Amor Mio Somine ng Lingayen PNP, nangyari ang insidente noong Disyembre 24, 10:00 PM, matapos mangaroling ng dalagita.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang pauwi raw ang dalagita, inalok ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo na ihahatid na nila ito pauwi ng kanilang bahay. Sumama naman ang dalagita ngunit imbis ihatid, dinala siya ng mga suspek sa baywalk at doon ginahasa.
Lumalabas sa imbestigasyon na ginahasa umano ng 18-anyos na rider ang biktima, at susunod pa sana ang kasama niya ngunit may biglang tumawag dito dahilan para ihatid na ang biktima sa bahay nito.
Pinagbantaan pa umano ng mga suspek ang dalagita na sasaktan kapag nagsumbong.
Kinilala ng pulisya ang suspek na bilang si "Roniel," residente ng nasabing lugar, at kasalukuyan umanong pinaghahanap maging ang kasama nito sa ginawang panggagahasa.
Sumailalim umano sa medical examination ang dalagita at positibong hinalay ito.