April 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan
Photo courtesy: Pexels

Sino nga ba ang hindi humiling noon ng regalo mula kay Santa Claus? 

Mula sa mga larawan, memorabilia at kuwento, kinikilala ng mga bata mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang isang taong may kakayahan daw magbigay ng regalo para sa lahat sa tuwing sasapit ang Pasko. Hila ng mga reindeers ang kaniyang sinasakyang puno ng mga kahon-kahong regalo, iiwan ito sa ilalim ng Christmas tree o ‘di naman kaya ay sa loob ng isang medyas na nakasabit sa pinto.

Sa kabila ng mayabong na bersyon ng isang Santa Claus, saan nga ba nagmula ang kaniyang istorya?

Ayon sa tala ng Tammany Parish Library sa kanilang opisyal na website, may isang kilalang bishop mula sa bansang Turkey na nagngangalang Nicholas ang tila naging takbuhan ng marami. Si Nicholas ay ipinanganak noong 280 A.D. at kilalang matulungin at mapagbigay. May ilang kuwento rin patungkol sa kaniyang naging buhay ang nagsasabi na nagawa pa raw niyang ibenta ang kaniyang mga ari-arian upang ipamahagi ito sa mga nangangailangan.

Human-Interest

Pitong taong sunod-sunod: Guro, ibinida 'perfect attendance' buong school year

Pumanaw si Nicholas noong Disyembre 6 at makalipas ang ilang siglo, siya ay kinilala ni Pope Eugene IV noong Hunyo 5, 1446 at siya ay naging santo. Kinilala rin ang DIsyembre 6 bilang opisyal niyang kapistahan kung saan kasama rito ang pagreregalo.

Ang pagkalat ng kuwento ni St. Nicholas

Kumalat sa iba’t ibang parte ng Europa ang kuwento ni St. Nicholas kung saan nagkaroon na rin siya ng iba’t ibang pangalan, partikular na sa bansang Hungary kung saan tinawag siyang “Sinter Klaas.”

Bunga na rin ng paglipat ng ilang mga Europeo sa iba’t ibang lugar, nakarating sa New York ang kanilang sikat na paniniwala patungkol kay Sinter Klaas. Bunsod nito, tuluyang nagkaroon ng bersyon ang Amerika ng kanilang “Santa Claus” mula sa mga libro na inililimbag dito. Habang noong 1822 ay tuluyang naimbento ni Clement Clarke Moore ang itsura at kuwento ni Santa Claus na siyang kinikilala na hanggang ngayon. 

Mula sa isang tula ni Moore, isinalaysay niya na si Santa Claus daw ay isang masiyahing matanda na naglilibot upang mamigay ng mga regalo. Binigyang-buhay niya si St. Claus bilang isang malaking taong may mahabang balbas. 

Naging sikat ang imahe ni Santa Claus nang iguhit ito at simulang gamitin sa iba’t ibang marketing style sa tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre, hanggang sa kilalanin na nga ito sa buong mundo hanggang sa kasalukuyan.

Ikaw, tanda mo pa ba kung ano ang hiniling mo noon kay Santa?