Tila nagpatutsada si dating senador at Caloocan City mayoral aspirant Sonny Trillanes kay Senador Ronald "Bato" Dela Rosa dahil sa nagaganap na senate hearing kaugnay ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes, Oktubre 28.
Isa kasi sa mga dumalo sa nabanggit na pagdinig si Bato, na siyang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa unang taon ni Duterte bilang pangulo, at sinasabing "chief implementer" umano ng giyera kontra droga.
Ang pagdinig ng Blue Ribbon Subcommittee ay pinamamahalaan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III. Ayon kay Sen. Bato, na siyang Vice Chairman, siya mismo ang nagprisinta bilang "best resource person" kaugnay sa war on drugs.
"I am here, Mr. Chair, to tell the truth, and as I do so, witness the web of lies come undone, one thread at a time. Today, I say: duty calls. My duty to the truth, and nothing but the truth. So help me God,” panunumpa ng senador sa hearing.
Saad naman ni Trillanes, na isang masugid na kritiko ni dating Pangulong Duterte, na ang "daldal" daw ni Bato kahit wala naman daw interesado sa mga sinasabi niya.
"Daldal ni Bato sa hearing. Wala namang interesado sa sinasabi nya," matapang na pahayag ni Trillanes sa kaniyang X post, sa kaparehong araw na nagaganap ang pagdinig.
Trending na rin sa X ang "Bato" dahil daw sa tila pagiging "defensive" umano ng senador sa pagdinig.
Matatandaang noong Huwebes, Oktubre 24, sinabi ni Dela Rosa na dadalo siya sa imbitasyon ng senado para sa pagdinig, at siya mismo ang nagkumpirmang dadalo rin si dating Pangulong Duterte.
"I don’t care kung anong sabihin nila. Hindi ako ang taong pa-cute-cute, hindi ako ang taong magpadisente kasi nga umiiwas ng bashing or what. Basta sa akin, lalabas ang katotohanan. Prangkahan tayo. Lalabas ang katotohanan,” aniya sa panayam media sa kaniya.
Sinabi pa ni Sen. Bato na hindi siya ma-ooffend kapag tinanong siya bilang resource person, bilang bahagi rin siya ng panel.
"I am also offering myself as a resource person. I’m not just a member of the panel. They can ask me. They can interrogate me. They can interpellate me anytime they want," pahayag pa ng senador.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Sen. Bato sa naging patutsada ni Trillanes.