December 23, 2024

Home BALITA National

Malaking bahagi ng bansa, uulanin dahil sa habagat

Malaking bahagi ng bansa, uulanin dahil sa habagat
Courtesy: PAGASA/website

Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Hulyo 13, dahil sa southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan at thunderstorms ang Zamboanga Peninsula, BARMM, Sultan Kudarat, Misamis Occidental, at Lanao del Norte dulot ng habagat.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao, Western Visayas, Central Visayas, Palawan, at Occidental Mindoro dahil din sa habagat.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng MIMAROPA, Batangas, Cavite, at Laguna.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman ng localized thunderstorms.

Posible naman ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay may binabantayan din ang PAGASA na cloud clusters sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), kung saan hindi raw inaalis ang posibilidad na may mabuong low pressure area (LPA) mula rito.