Inuusisa raw ang showbiz insider na si Ogie Diaz kaugnay sa pagkandidato umano ni Unkabogable star Vice Ganda sa darating na eleksyon sa 2025.

Sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Biyernes, Hunyo 21, sinabi ni Ogie na mayor umano ng Maynila ang posisyong napag-uusapang tatakbuhan nito.

“Alam mo si Vice Ganda kasi taga-Tambunting ‘yan. Sa Abad Santos. Malapit sa Tondo saka sa Divisoria. Alam mo ba, si Vice, kung ‘di ako nagkakamali kung isinasagawa pa rin niya at naging panata na niya, ‘yong mga bata ro’n kailangang kumain tuwing umaga bago pumasok sa school. Mayro’n siyang budget for that,” lahad ni Ogie.

“Pero ‘yon ngang parang Mayor, aba, may karapatan naman si Vice,” dugtong pa niya.

Tsika at Intriga

Jennylyn Mercado, 'di susulutin ng ABS-CBN

Bukod pa rito, ayon kay Ogie, may humihimok din daw kay Vice na kumandidato bilang senador dahil kakayanin umano nitong manguna.

Pero sa palagay ng showbiz insider: “Pwede niya sigurong i-consider. Pero pag-iisipan niya nang masinsinan ‘yan at malaliman ‘yan.”

“Kasi sinasabi sa akin dati ni Vice na ang hirap ‘pag dedepende ka lang sa itinutulak ka lang ng mga tao. Dapat talaga gusto ng puso mo,” pagpapatuloy pa niya.

Pero sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na anomang reaksiyon o pahayag si Vice Ganda para kumpirmahin o pabulaanan ang naturang tsika.