Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang mga lalawigan ng Extreme Northern Luzon ngayong Linggo, Mayo 19, dulot ng shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, patuloy pa rin daw ang epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

National

ALAMIN: Mga sintomas ng heat-related illnesses at mga dapat gawin kapag nakaramdam nito

Inaasahang magdudulot ang easterlies ng maalinsangan panahon na may tsansa ng mga pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms, partikular na sa hapon o gabi, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).