Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na mahigit sa 4.2 milyong rehistradong botante ang ide-deactivate nila dahil sa iba't ibang kadahilanan.
Mismong si Comelec Chairman George Erwin Garcia ang nagkumpirma na hanggang nitong Mayo 16, 2023, kabuuang 4,239,483 ang kabuuang bilang ng mga botante ang aalisin nila mula sa listahan ng mga botante.
Aniya, ito ay ibabawas mula sa kabuuang 68 milyong registered voters sa bansa.
"4.2M voters will be deactivated. Hence deductible to the present total no. of voters of 68M," ayon pa kay Garcia.
Base sa datos, pinakamarami ang ide-deactivate dahil sa pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan na umabot sa 4,237,054.
Sumunod naman ang inalis sa listahan base sa kautusan ng hukuman, na nasa 1,829.
Nasa 595 naman ang deactivate dahil sa kabiguang ma-validate.
May tatlong botante naman ang tatanggalin dahil sa pagkawala ng Filipino citizenship habang dalawa ang inalis bunsod nang napatawan ng pinal na sentensiya ng hukuman.
Ayon sa Comelec, pinakamaraming voters ang ide-deactivate sa Region 4A (Calabarzon) na nasa 733,903.
Sinundan ito ng Region 3 (Central Luzon) na nasa 503,297 botante naman.