Pinayuhan ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko sa paggamit ng makabagong teknolohiya, partikular na ang Artificial Intelligence (AI).

Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Communication, tulad ng mga modernong bagay, maraming magagandang maidudulot ang paggamit ng AI dahil pinabibilis nito ang gawain ng tao.

Gayunman, maaari rin aniya itong maging banta sa lipunan kung walang pamantayan ang paggamit.

"Sa panahon natin ngayon, ang Artificial Intelligence ay hindi likas na masama subalit kapag walang pamantayan sa paggamit ito ay marami ding mga bagay na hindi maganda ang maaring maidudulot sa atin at sa lipunan," pahayag ni Bishop Maralit sa church-run Radio Veritas.

Anang obispo, dapat na mag-iingat ang mamamayan sa pag-aakalang laging tunay at wasto ang nilalaman ng mga impormasyong nakikita at nababasa online lalo na kung hindi tiyak kung mapagkakatiwalaan ang pinagkunan ng datos.

Babala pa niya, ginagamit din ng ilan ang AI para sa pansariling kapakinabangan.

Paalala pa ng obispo sa mga mamamayan, huwag umasa sa paggamit ng AI dahil may mas kakayahang pa ring mag-isip ang tao.

"Tunay na mahalaga sa atin ang buong proseso sa paghahanap ng katotohanan at pagdedesisyon, kasama na rin ang mga ambag ng ating karanasan at ugnayan kaya hindi dapat tayo madala sa tuksong umasa na lamang sa AI," aniya pa.

Dagdag pa niya, nakakabahala rin ang kakayahan ng AI na magmanipula sa pagkakilanlan ng isang tao tulad ng pagkopya sa itsura at boses sa pamamagitan ng 'deep fake' na maaring paniniwalaan ng sinumang makakapanuod online.

Bukod pa rito, banta rin ang AI sa 'job displacement' dahil napapalitan nito ang kakayahan ng tao sa paglikha o pagtatrabaho.

"Pakaingat tayo sa maaaring idulot na panganib nito sa mga ugnayang pantao na napakahalaga sa paglago at pagbubuo ng ating pagkatao kung saan ang emosyon at mga malalim na pakikipag-ugnayan sa kapwa ay kailangan at napakahalaga," anang obispo.

Nauna rito, sa mensahe ni Papa Francisco sa 58th World Day of Social Communications na ipagdiriwang sa Mayo 12, binigyang-diin nito na kailanman ay hindi napapalitan ng AI ang karunungan ng tao.