Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na wala silang planong irekomenda ang pagpapatupad ng lockdown at mandatory na pagsusuot ng face masks dahil sa pertussis.

Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Eric Tayag na sa halip ay hinihikayat nila ang publiko na ugaliin ang boluntaryong pagsusuot ng face mask at regular na paghuhugas ng kamay upang makaiwas sa nasabing sakit.

Ayon kay Tayag, mas makabubuti kung manatili na lamang sa bahay ang mga taong nakakaranas ng ubo upang hindi makahawa ng karamdaman.

Upang makaiwas naman sa pertussis at iba pang respiratory infections, mainam aniyang pumili ng mga lugar na mayroong maayos na bentilasyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Tayag na maraming lugar sa bansa ngayon ang nananatiling nakaalerto dahil sa nagaganap na hawahan ng pertussis, partikular na sa mga paslit.

Ani Tayag, nasa 10 rehiyon sa bansa ang nakakapagtala pa ng pagtaas ng mga kaso ng sakit, na inaasahan pa nilang lalong tataas sa mga susunod na araw.

Sa National Capital Region (NCR) naman aniya ay nakakapagtala sila ng pag-plateau o pagbagal ng pagtaas ng mga kaso ng ubong dalahit.

“Halos 10 rehiyon ang may pagtaas sa kaso ng pertussis. Dito sa NCR, nagpa-plateau. Ibig sabihin, hindi tumataas kagaya ng inaasahan natin,” pahayag pa ni Tayag.

Nabatid na ang pertussis, na kilala rin sa tawag na "whooping cough" at "ubong dalahit," ay maaaring maihawa kung uubo o babahing ang isang taong may sakit nito.

Nagdudulot ito ng mga influenza-like symptoms gaya ng bahagyang lagnat, sipon at ubo na tumatagal ng pito hanggang 10-araw.

Ayon sa DOH, ang mga batang may pertussis ay maaaring makaranas ng apnea o pagtigil ng paghinga habang sila ay natutulog, hirap sa paghinga at pagsusuka.

Patuloy rin namang hinihikayat ng DOH ang mga magulang at mga guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak ng pentavalent vaccine para sa Diphtheria, Pertussis at Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus Influenza type B (DPT-HepB-HiB).

Sinabi naman ni Tayag na umorder na rin ang DOH ng 800,000 hanggang isang milyong doses ng mga nasabing bakuna, at inaasahang darating ang mga ito sa bansa sa Hunyo.