Gumawa ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng centenarian personalized stamp ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile bilang pagbibigay-pugay raw sa mahabang panahong paglilingkod nito sa bayan.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Pebrero 18, na inIulat ng Philippine News Agency, sinabi ni Postmaster General Luis Carlos na nakabase ang ginawa nilang personalized stamp at commemorative cover ni Enrile sa Republic Act 1026 o Centenarian Act of 2016, na naglalayong kilalanin at bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga Pinoy centenarian.

“Living to 100 years old is one of life’s greatest achievements and a milestone worth celebrating. We pay tribute to JPE whose political career has spanned over six decades,” ani Carlos.

“His collective wisdom and experience is an inspiration to us all,” dagdag pa niya.

National

Rep. Abante, binalaan si Harry Roque: ‘Justice will catch up to you!’

Iginawad daw kay Enrile ang nasabing personalized stamp at commemorative cover sa pagdiriwang mismo ng kaniyang ika-100 kaarawan sa Malacanang noong Miyerkules, Pebrero 14.

Samantala, sinabi rin ni Carlos na nakikipag-ugnayan ang PHLPost sa local government units (LGUs) upang isama sa kanilang programa ang pagbibigay ng personalized centenarian stamps sa kanilang mga nasasakupan.

Ang naturang stamps ay bahagi umano ng corporate social responsibility (CSR) ng postal agency upang bigyang-pugay ang mga Pinoy na umaabot sa 100-anyos ang edad.