Mula sa taping ay dumiretso raw ng emergency room si “Black Rider” star Ruru Madrid noong  Biyernes ng gabi, Enero 12.

Sa latest Instagram post ni Ruru nitong Sabado, Enero 13, sinabi niya na ilang araw na raw siyang tinatrangkaso, masakit ang lalamunan, at hirap magsalita kaya pinayuhan siya ng doktor na tumigil muna pansamantala sa trabaho.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

View this post on Instagram

A post shared by Ruru Madrid (@rurumadrid8)

“Nakakalungkot na sa araw na ito, mayroon po sana akong trabaho… pero hindi po ako pinayagan ng Doctors gawa ng baka lalo daw po lumala ang nararamdaman ko at mas marami pang commitments ang hindi mapuntahan,” saad ni Ruru.

“Kanina when I checked my phone nakita ko ang isang post sa commitment ko today ng mga taong nag eexpect po na makita po ako… at parang dinudurog ang puso ko na hindi ako makakapunta,” aniya.

Kaya naman, humingi ng paumanhin si Ruru sa mga tao na umaasa sa kaniya dahil gustuhin man daw niyang makapagpasaya at mapunan ang trabahong ipinangako ay hindi naman kaya ng kaniyang katawan.

Pero nangako naman siyang babawi at magpapagaling agad.

Sa huli, may tinukoy si Ruru na isang tao na nagparamdam daw ng sobrang pagmamahal sa kaniya. Hindi raw tuloy niya alam kung nagchi-chills siya dahil sa kilig o sa sakit.

“Salamat sa taong sumalubong sa akin sa E.R., nag-asikaso ng mga papers, nagdala ng pagkain, nagpuyat at nag-alaga sa akin,” sabi ng aktor.

Dagdag pa niya: “Mahal na mahal kita kita Isadora, salamat sa napakasarap na pagmamahal na hinding-hindi ko pagpapalit kailanman.♥️”

Samantala, sa comment section, sinabihan si Ruru ng mga kaniyang mga kapuwa artista gaya nina Matteo Guidicelli, Buboy Villar, Sofia Pablo, Dion Ignacio, Katrina Halili at iba pa na magpagaling agad.