Isang bulkan sa bansang Iceland ang sumabog, ilang linggo matapos umanong mangyari ang matinding earthquake activity sa timog-kanluran ng Reykjavik.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng Icelandic Meteorological Office na nagsimula ang pagsabog sa Reykjanes peninsula nitong Lunes, Disyembre 18, dakong 10:17 ng gabi (2217 GMT). Ito ay matapos umanong yumanig ang maliliit na lindol sa lugar.
Inasahan na raw ng naturang bansa ang pagsabog ng bulkan matapos ang matinding aktibidad ng lindol, na nag-udyok na rin sa mga awtoridad na palikasin ang libu-libong indibidwal.
Ayon sa meteorological office, nagbukas ang bulkan ng isang bitak na tinatayang halos apat na kilometro (2.5 milya) ang haba.
Kaugnay nito, inihayag ng pangulo ng Iceland na si President Guðni Th. Jóhannesson sa isang X post na prayoridad nilang protektahan ang buhay ng mga residente at mga imprastraktura sa lugar.
“An eruption has begun near the evacuated town of Grindavík. Our priorities remain to protect lives and infrastructure," saad ng pangulo.
"Civil Defence has closed off the affected area. We now wait to see what the forces of nature have in store. We are prepared and remain vigilant,” dagdag pa niya.
Hinihikayat naman ang publikong lumayo sa lugar upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Samantala, nananatili umanong bukas ang international airport ng Reykjavik, kung saan wala pa raw nangyayaring mga abala sa arrivals o departures sa Keflavik airport.