Sinampahan ng kasong kriminal ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro si dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, Oktubre 24.
Ayon sa ACT Teachers Partylist, ang isinampang kaso ay alinsunod umano sa Article 282 ng Revised Penal Code bilang tugon sa “mga malisyosong pagbabanta” ni Duterte laban kay Castro.
Nagtungo umano si Castro sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City nitong Martes ng umaga para isampa ang naturang criminal complaint laban sa dating pangulo.
Matatandaang pinatutsadahan kamakailan ni Duterte si Castro sa isang panayam ng SMNI, at sinabing gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.
Ang naturang pahayag ng dating pangulo hinggil sa CIFs ay matapos alisin ng Kamara ang 2024 confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ng kaniyang anak.
https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/