Ipinagpaliban muna ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga biyahe patungong Israel sa gitna ng giyera sa pagitan ng Palestinian militant group na Hamas at Israeli forces.

Paliwanag ng DFA, hangga't hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon ay walang bibiyahe o aalis ng bansa patungong Israel.

Kaugnay nito, inihayag ng DFA na pito na ang nawawalang Pinoy sa naturang bansa mula nang magsimula ang giyera.

"Seven remain unaccounted for and cannot be contacted via their mobile numbers and social media accounts," pahayag ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza.

"The Philippine Embassy (in Israel) is working non-stop with Israeli security authorities and community contacts to ascertain their condition. We continue to await feedback from them," dagdag pa ni Daza.

Nauna nang sinabi ni Daza na nasa 29 Pinoy ang naiulat na nawawala sa gitna ng digmaan.

Gayunman, 22 na ang nailigtas ng Israeli security forces.

"Of the 22, one is being treated at a hospital for moderate injuries sustained during the rescue. One was initially treated for smoke inhalation and was released after treatment and is now resting in a hotel in Tel Aviv," sabi pa ni Daza.

PNA