Asahang magkaroon ng malakihang bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (OIMB-DOE), nasa ₱3 ang posibleng itapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina habang ₱1.50 naman kada litro ang inaasahang ibabawas sa presyo ng diesel.

Inaasahan namang bawasan ng ₱2 kada litro ang presyo ng kerosene.

Gayunman, ipinaliwanag ng DOE, posible pang magbago ang presyo, depende sa magiging resulta ng kalakalan ng langis sa mga susunod na oras.

Sa monitoring ng DOE mula Oktubre 3 hanggang Oktubre 9, nasa ₱74.95 ang pinakamataas na presyo ng gasolina sa Metro Manila habang ₱68.85 naman ang pinakamataas na presyo ng diesel.

Binanggit naman ni OIMB-DOE- director Rino Abad, inaasahan nilang hindi na sasampa muli sa ₱80 ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel hanggang sa matapos ang taon.