Inaasahang lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Jenny sa Huwebes, Oktubre 5.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo 155 kilometro hilaga hilagang silangan ng Itbayat, Batanes at patuloy na kumikilos pa-kanluran patungong Taiwan.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 155 kilometer per hour (kph).

Sa kabila nito, pinalalakas pa rin ng bagyo ang southwest monsoon na magpapaulan sa western portions ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kapag tuluyan nang nakalabas ng bansa, tatahakin ng bagyo ang Taiwan Strait at coastal waters ng southeastern China.

Isinailalim pa rin sa Signal No. 3 ang northern portion ng Batanes (Itbayat), nasa Signal No. 2 naman ang natitirang bahagi ng Batanes at northern portion ng Babuyan Islands. 

Nasa Signal No. 1 pa rin ang natitirang bahagi ng Babuyan Islands, northern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Buguey, Santa Teresita, Lal-Lo, Camalaniugan, Pamplona, Claveria, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Lasam, Gattaran), northern portion ng Apayao (Calanasan, Pudtol, Luna, Santa Marcela, Flora), at northern portion ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Bacarra, Adams, Pasuquin, Carasi, Dumalneg, Laoag City).