Kinalugdan ng mga netizen ang isang "community pantry" ng college instructor sa University of Caloocan City dahil bukod sa mabubusog ang tiyan ng mga bata, mabubusog din ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng mga aklat.

Ayon sa Facebook post ni Lawrence Cusipag mula sa Bagong Silang, Caloocan City, masaya siya dahil mismong mga bata ang humihirit na magbasa, at magkaroon din ng storytelling session tuwing Linggo.

"Books & Bread," panimula sa kaniyang Facebook post.

"Ngayon lang ulit nalibre ng Sunday. Ilang linggo na rin ako kinukulit ng mga 'to para magbasa daw kami. Ang daming kwento tungkol sa school nila."

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

"Btw, nakatatlong libro kami today. Palagi namang libre ang pagbabasa, yung tinapay, tuwing sahod lang. Haha," aniya pa.

Sa panayam ng Balita kay Lawrence, sinabi niyang Disyembre 2022 raw nila sinimulan ang nabanggit na community pantry. May pagkakataon daw kasing nahirapang magbasa ang kanilang kapatid na Grade 3, kaya sa labas ng bahay sila nagturuang magbasa kasama ang iba pang batang kapitbahay.

Masaya umano ang guro dahil naitatampok nito ang pagbabasa sa mga bata, na isa sa mga makrong kasanayang kailangang linangin sa kanila upang matamo ang pag-aaral at kritikal na pag-iisip habang sila ay lumalaki.

Sa kasalukuyan, nagtuturo si Cusipag sa Tourism department ng nabanggit na state university sa Caloocan.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!