Noong 2022, inilunsad ng gobyerno ng Austria ang digital driver’s license nito. Tinatawag na mobile driving license (mDLs), maaari na ngayong ma-access ng mga Austrian citizen ang kanilang driver’s license sa pamamagitan ng kanilang mga smartphone pagkatapos magparehistro para sa digital ID.
Sa kalaunan, nais ng Austrian Federal Government na magkaroon ng mas maraming ID card at dokumento na maaaring ma-access sa mga mobile phone.
Noong nag-courtesy visit ako kay Austrian Ambassador Johann Brieger, kabilang sa mga larangan ng digital cooperation na aming tinalakay ay ang posibleng paggamit ng digital identity documents at e-governance platforms sa Pilipinas.
Ang mDL ng Austria ay bahagi ng ID Austria, isang online identification platform kung saan ligtas na nagagamit din ng mga mamamayan ang mga digital na serbisyo at mga online na transaksyon. Ang ID Austria ay karagdagang pagpapaunlad ng naunang mobile phone signature at citizen card.
Sa pamamagitan din ng ID Austria, layunin ng pederal na pamahalaan na bigyan ang mga mamamayan nito ng kakayahan na ma-access ang kanilang mga elektronikong medical record. Ang kasalukuyang magagamit na mga serbisyo para sa mga may hawak ng ID Austria ay ang kanilang mga vaccination certificate, mga resulta ng medikal na pagsusuri, at mga reseta. Nais ng gobyerno na higit pang pagbutihin ito at gawing mas madali para sa mga pasyente at mga authorized health service provider na ma-access ang ilang partikular na health data.
Layunin ng pederal na pamahalaan na gawing isa ang Austria sa nangungunang mga digital na bansa sa European Union—ito ay nasa ika-10 sa 27 EU Member States sa 2022 na edisyon ng Digital Economy and Society Index (DESI)—at tiyakin na ang mga mamamayan nito ay ganap na magagamit ang mga benepisyo ng digitalisasyon sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay.
Sa katunayan, bahagi ng Digital Austria 2050 Strategic Action Plan ay mga inisyatiba na naka-target sa pagpapabuti ng mga digital skills para sa mga mamamayan nito sa pangkalahatan, ang mga manggagawa, at ang sektor ng edukasyon. Naniniwala ang Austria na ito ang kanilang magiging digital competitive advantage kung ang mga mamamayan nito ay mayroon ng mga kinakailangang digital na kasanayan.
May tatlong haligi ang kanilang digital skills target. Ang una ay ang digital transformation ng sistemang pang-edukasyon, na kinabibilangan ng pag-optimize ng mga digital na kasanayan na binuo sa loob ng pambansang sistema ng pormal na edukasyon nito, pati na rin ang sertipikasyon ng mga programa sa pagpapaunlad ng mga digital na kasanayan, at ang paglikha ng modernong imprastraktura sa pag-aaral sa lahat ng antas ng ekonomiya nito at lipunan.
Pangalawa ay sa lifelong o habambuhay na paglilipat ng kaalaman at kasanayan. Dito, partikular na palalakasin ang digital basic training sa mga interdisciplinary approach sa lahat ng larangan ng pagsasanay at karagdagang edukasyon. Kabilang dito ang pagtiyak na ang edukasyon sa mga asignaturang STEM ay nakatuon sa mga kinakailangan ng negosyo at agham.
Panghuli, at pinakamahalaga, nais ng Austria na tiyakin na ang lahat ng mga mamamayan nito ay mayroong basic digital skills.
Naniniwala ang gobyerno ng Austria na mahalaga ang naging papel ng digitalisasyon sa matagumpay na pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pandemya. Habang isinusulong nila ang kanilang digital transformation strategy, kumpiyansa ang Austria na ang kanilang digitalisasyon ay susi sa patuloy na paglago at ‘future proofing’ ng bansa.