April 13, 2026

Home BALITA National

Atty. Falcis, pinatutsadahan pagtatago ng ‘sexist video’ ni Atty. Topacio kina Jasmine, Rep. Elago

Atty. Falcis, pinatutsadahan pagtatago ng ‘sexist video’ ni Atty. Topacio kina Jasmine, Rep. Elago
Photo courtesy: File Photo

Isiniwalat sa publiko ni Atty. Jesus Falcis na naisapribado na ang episode sa radio show ni Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio kung saan nagawa niyang pasaringan ang aktres na si Jasmine Curtis-Smith at sabihing pinagnasahan umano niya sa isang pagdinig noon si Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago. 

Matatandaang bumanat si Topacio kay Jasmine sa programa niya sa DWIZ News na “Yes… Yes… Yo! Topacio” noong Marso 5, 2026, kung saan sinabi niyang nagpo-post sa social media ang aktres ng kaniyang mga naka-bikining larawan upang pagnasahan at sumikat daw ito.

“Kayong mga artista, mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media, sa mga pahayagan—hindi ba para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” banat ni Topacio. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio bumanat kay Jasmine: 'Ba't ka nagpo-post ng bikini pictures, 'di ba para pagnasahan?'

Matapos nito, ibinahagi rin ni Topacio sa pareho niyang programa na nagawa raw niyang pagnasahan si Elago nang maamoy niya ito sa dinaluhan nilang pagdinig sa Department of Justice (DOJ) noon. 

National

PNPA hazing victims, binuhusan ng asido sa likod hanggang sa ari—SILG Remulla

“Ako dati, pinagnasahan ko rin si Sarah Elago, e. Naamoy ko noong hearing namin sa DOJ. Magalit na kayo kung magagalit kayo sa akin. I don’t care,” aniya. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio, inaming pinagnasaan nang maamoy noon si Rep. Sarah Elago!

Ayon naman sa naging post ng abogadong si Atty. Jesus Falcis sa kaniyang “X” account nitong Lunes, Marso 9, 2026, inihayag niya sa publiko na nakapribado na raw ang naturang video ni Topacio sa YouTube channel ng DWIZ. 

“Naka private mode na ang settings,” ‘ika niya. 

Ani Falcis, “accessible” o nakapubliko pa raw ang naturang episode ng radio program noong umaga ng Linggo, Marso 8, 2026 o gabi ng Sabado, Marso 7, 2026, ayon umano sa kaniyang huling pagbisita. 

“From my own recollection, it was last accessible either Sunday morning or Saturday evening,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Falcis, baka raw natakot si Topacio sa “disbarment proceedings” o iba pang mga kasong puwedeng isampa laban sa kaniya ni Elago at partylist nito. 

“Natatakot ata sa disbarment proceedings and other cases na pwede i-file ng mga women’s groups like Gabriella and Cong. Sarah Elago!” saad niya. 

Buwelta ni Falcis kay Topacio, naka-download naman na raw ang mga clips sa umano’y pagiging “sexist” ni Topacio kay Jasmine at Elago at hindi na raw nito maitatago ang kaniyang inasal. 

“Wag ka mag-alala Topacio, kahit naka private yan eh meron na daw mga naka download. Tsaka yung clips ang mas important kahit hindi buong show meron eh naka preserve na yung clips kung san sexist ka, Mr. Topacio,” buwelta niya. 

“You can run but you can’t hide your misogyny!” pagtatapos pa niya. 

Samantala, nilinaw naman ni Topacio sa inere nilang programa nila nitong Lunes, Marso 9, 2026, na hindi raw siya natatakot sa kaniyang mga sinabi at wala naman daw siyang control sa YouTube channel ng kanilang radio program. 

“Hindi po ako natatakot. I will always stand by what I said. However, hindi ko po YouTube channel ‘yon. Wala po akong YouTube channel… Wala po akong control kung anong private doon…” depensa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio kinatigan si Suntay: 'May nakita kang babae na gusto mong halayin, 'di kasalanan 'yon!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita